doksandy

Reluctant dokchef


Leave a comment

Buendia cor Taft, July 17, 2001

Sa inaraw-araw na pagsakay ko sa JAM transit sa may Buendia, palagi ko rin nadadaan sa kalye ang isang pamilya na tila sa bangketa na nakatira. Isang pamilya na sa tantiya ko ay may tatlong anak, humigit kumulang ang mga edad at 5, 4 at 2 – pawang mga payatot, maputla ngunit masigla dahil sa kanilang paikot-ikot na pagtatakbuhan sa kahabaan ng Taft avenue. Ito ang kanilang malapalasyong palaruan. Animo’y hindi sagabal ang pagdaraan ng mga naglalakihang bus, ang kaingayan ng nasabing lugar, ang salimbayan na pagdaraan ng mga tao at walang humpay na pagpito ng trapik emporser dahil sa mga motoristang hanggang sa ngayon ay nag-uungusan sa pagsasakay ng mga pasahero sa mga di lugar na sakayan. Minsan ng akoý dumaan ay wala ang mga nanlilimahid at masisiglang paslit. Sabi ko sa sarili , baka may sakit? Nagulantang ako sa aking nakita. Ang mga bata ay pinagkasya sa kanilang pagkakatulog sa isang lumang kahon ng “Washington apples”. Natutulog kaya sila? Baka naman maysakit dahil nilalangaw ang kanilang mga mata at nguso? Mukhang wala namang sakit dahil hindi ito alintana ng kanilang ina na libang na libang sa pagbebenta ng mga mentos, halls, snowbear, at iba pang uri ng kendi at habang ang kanyang asawa ay nakikibasa ng “Abante” sa magdyadyaryo sa katabing puwesto. Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako daraan sa nasabing lugar ngunit saan ako daraan? Nag-isip ulit ako, ah sa susunod na pagdaan ko bigyan ko kaya sila ng kaunting halaga para panustos sa pagkain ng mga payatot nilang mga anak? Hoy di susteynabol yan? Ano suste-susteynabol eh nagugutom sila ngayon! I-refer ko kaya sa DSWD? Hoy babalik din ýan sa kanilang lugar pagkatapos makatanggap ng grasya sa ahensiya ng gobyerno! Sa simula pa lamang ay dehado na si Junior, Jose, at Maria (gusto ko na pangalanan sila) at ang kanilang pamilya. Sabi ng Plan, kanilang mayroon silang partisipasyon sa gawain ng pagpapaulad ng pamayanan! Nagulantang akong bigla dahil sumisigaw na ang konduktor ng “College, UP, Sta Cruz, maluwag pa!”….Pauwi na ako sa amin bahay at naghihintay ang aking anak at ang aking asawa….siguradong di maawat si Issa sa paglalaro ng kaniyang koleksyon ng Barbie habang nagbabasa ng Inquirer ang kaniyang Nanay.


Leave a comment

October 4, 2001: Chiangdao Hill Resort at Chiangrai

Parang nasa Villa Escudero yata ako!  Di pala nasa Chiang Dao Hill Resort ngunit ang paligid at ang arrive ay parang nasa Villa Escudero!  Pansamantala muna na dito ako  tutulog ngayong gabi dahil medyo aabutin kami ng malalim na gabi papuntang Chiang Mai galing ng Chiang Rai.

 Nakakapagod ang maghapon hindi dahil sa paliku-likung daan mula sa isang distrito ng hiil tribes ng Thailand papuntang chiang Dao Hill Resort….Ito ang mga dahilan ng nasabing kapaguran…ng isipan.

 Isang mag-lo-lolo ang aming unang pinuntahan sa isang gi-giray-giray na bahay.  Natatakot  akong pumanhik at baka magiba (sa laki ko ba namang ito)   Humigit kumulang sa 75 taon ang lolong nakausap namin, balo na siya at kasama ang dalawang apo, edad 10 at ang isang ay edad 8.  Pawang mga batang babae at ang panganay ay pangarap na maging isang nars …”para po magamot ko ang mga may sakit tulad ng nanay at tatay ko”.  Pero ulila na sila dahil parehong namatay ang kanilang mga magulang sa sakit na AIDS.

 Sumunod na pumunta kami sa isang sementadong bahay na nababanaag mo ang katas ng pawis na nakatira dito.  Dito nakatira ang mag-asawang humigit kumulang sa 70 ang edad at matiyagang nag-aalaga sa kanilang anak na nakaratay sa kama.  Buto’t balat na ang pangangatawan ng kanilang anak pero ang kanyang mga larawan na nakasabit sa halos lahat ng sulok ng kanilang bahay.  Sa kanyang anyong kagandahan ay  tatalbugan ang ganda ng mga Barreto sisters sa Pilipinas!  Dati siyang karaoke singer sa hilagang Thailand at sa ngayon ay nakikibaka pa rin sa tindi ng sakit na AIDS.